Kumpiyansa si Senador Richard Gordon na hindi masisira ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa kabila ng gusot na nilikha ng umano’y iligal na pagsagip sa mga Pilipinong inaabuso ng kanilang mga amo sa naturang bansa.
Ayon kay Gordon, mahalaga aniyang magkaroon ng paggalang ang dalawang bansa sa isa’t isa para maresolba agad ang anumang gusot na mamumuo sa pagitan ng mga ito.
Giit pa ng senador, kapwa mayroong pakinabang naman ang Pilipinas at Kuwait sa isa’t isa lalo na sa usapin ng ekonomiya kaya’t marapat din lamang na matuloy ang itinutulak na Memorandum of Agreement para protektahan ang mga Pilipino na nasa nabanggit na bansa.
Magugunitang tiniyak ni Kuwaiti Deputy Foreign Minister Khaled Al-Jarallah na nais pa rin nilang maayos ang gusot na kinaharap sa pagitan nila at ng Pilipinas bagama’t iginiit nito na tutol sila sa anumang uri ng paglabag sa kanilang soberanya.
—-