Duda ang Manila Police District o MPD sa lalakeng tumulong at nagdala sa ospital sa hazing victim na si Horacio Castillo lll.
Ayon kay Superintendent Erwin Margarejo Spokesman ng Manila Police District o MPD, may mga pahayag si John Paul Sarte Solano na hindi tumutugma sa ebidensya at pahayag ng mga barangay officials sa Barangay 133 kung saan natagpuan ni Solano si Castillo.
Base aniya sa testimonya ni Solano, patungo na siya sa San Lazaro Hospital kung saan siya nagtatrabaho nang makita ang nakahandusay na si Castillo.
Pinara niya aniya ang isang red Strada pick up para tulungan siyang dalhin sa Chinese General Hospital si Castillo kung saan idineklara naman itong dead on arrival.
Gayunman, sa imbestigasyon ng MPD, napag-alaman na si Solano ay part time na empleyado ng San Lazaro Hospital at Law student rin ng University of Santo Tomas kung saan nag-aaral rin ng Law si Castillo.
“Vinalidate po yan ng MPD at nagpunta tayo sa area kung saan sinabi niya na nakita niya ang biktima at ni-review natin ang CCTV footage doon, may conflict po ng konti, yung sinasabi niyang oras na nakita niya ang victim, nung ni-review ang CCTV eh wala nang ganung oras ang biktima roon, so nag-validate din po tayo ulit sa San Lazaro Hospital.” Ani Margarejo
Inimbitahan din si Solano sa MPD upang magpaliwanag subalit hindi ito sumipot kaya’t hanggang ngayon ay bukas ang MPD upang ibigay ang kanyang panig.
CCTV footages
Samantala, sinusuyod na ng MPD ang UST at kapaligiran nito upang makuha ang mga CCTV footages na posibleng magbigay ng lead sa mga suspek sa pagkamatay ng UST Law student na si Horacio Castillo III dahil sa hazing.
Ayon kay Margarejo, umaasa silang sa pamamagitan ng CCTV ay matutukoy nila kung sino ang mga nakasama ni Castillo noong araw na isailalim ito sa initiation rites.
Kasabay nito, hinikayat ni margarejo ang mga opisyal at miyembro ng Aegis Juris Fraternity na magkusang loob nang makipag-ugnayan sa pulisya.
“Pinapatibay na namin ang ating ebidensya para as early as possible ay makapagsampa tayo ng criminal case, makikipag-coordinate rin tayo sa fraternity group, kung gusto nilang magbigay-linaw, ang opisina po ng MPD is always open for their statement.” Pahayag ni Margarejo
(Ratsada Balita Interview / May Ulat ni Aya Yupangco)