Handa na ang MPD o Manila Police District sa Traslacion o Pista ng Itim na Nazareno sa January 9.
Ayon kay MPD spokesman Erwin Margarejo, limang libong pulis nila at dagdag na isanlibo at limandaang augmentation forces ang ipapakalat para magbantay sa kaligtasan ng mga sasama sa prusisyon.
Si NCRPO Director Oscar Albayalde ang commander ng Task Group Nazareno samantalang ground commander naman si Chief Supt. Joel Coronel.
Ipinabatid ni Margarejo na bumuo rin ang MPD ng tatlong subtask groups na kinabibilangan ng security, peace and order at emergency and preparedness.
Kasama sa tututukan ng subtask groups ang Plaza Miranda, Quirino Grandstand at ruta ng prusisyon gayundin ang daloy ng trapiko, anti-criminality, public order, pagtiyak sa seguridad ng transportasyon, komunikasyon, power system at mahahalagang imprastraktura.
Kaagapay ng MPD sa pagtutok sa pista ng Nazareno ang coastguard, BFP, DPWH, Red Cross, DOH at non-government organizations.
Labinglimang milyong deboto ang nakiisa sa mismong araw ng Traslacion nuong isang taon at inaasahang madadagdagan ito ng isa hanggang tatlong milyong devotees pa.