Mayroon nang lumalabas na apat na persons of interest ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagpatay sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) nito lamang Lunes ng hapon.
Makikita sa footage ng CCTV (Closed Circuit TV) na ipinakita ni MPD Director P/Brig. General Bernabe Balba sa isang pulong-balitaan kung papaano tinambangan ng gunmen —na itinuring na una at pangalawang persons of interest, ang biktimang si Helen Dacanay, 59, Senior Labor Officer na residente ng Bacoor, Cavite.
Nangyari ang insidente habang minamaneho ng biktima ang kanyang kotse na Honda Brio Hacthback na may plate number na ACA 7338 kasama si Atty. Agatha Daquigan sa bahagi ng Malvar St., Malate, Maynila.
Nakita rin ang ikatlong persons of interest na nakasuot ng pulang t-shirt at nagsilbing pointer na nagmatyag umano ng dalawang oras sa paligid ng DOLE.
Itinuring ding ika-apat na persons on interest ang driver ng get away vehicle na ginamit ng gunmen.
Kasunod nito, sinabi ni Balba na bumuo na sila ng Special Task Group para tumutok sa kaso ni Dacanay.
Samantala, ayon naman kay NCRPO Chief Debold Sinas, patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakilanlan ng mga suspek gayundin ang tunay na motibo sa pananambang.
Magugunitang nagtamo si Dacanay ng tama ng bala sa ulo at balikat at idineklarang dead-on-arrival sa ospital ng Maynila. — ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5)