Nagpalabas ng abiso ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa umanoy ikakasang malawakang transport strike ng iba’t-ibang grupo ng transportasyon simula ngayong araw hanggang sa Oktubre 17.
Ayon sa MPD, nakatanggap sila ng intelligence information hinggil sa gagawing tigil pasada kaya’t kanilang pinaghahanda ang publiko.
Batay sa nasabing abiso, kabilang sa mga magsasagawa ng tigil pasada ay ang grupong Piston, PUVMP, FEJODAP, ACTO, PASANG MASDA, LTOP, ALTODAP at Stop and Go Coalition.
Grupong Piston itinanggi ang umano’y tigil pasada
Mariing itinanggi ng grupong Piston na magsasagawa sila ng transport strike ngayong araw at bukas Oktubre 17 batay sa ipinalabas na advisory ng MPD.
Ayon kay ni Piston National President George San Mateo, “fake news” ang nasabing abisong ng MPD at posible aniyang sa Facebook lamang nila nakuha ang impormasyon.
Magugunitang nuong nakaraang taon ay nagdeklara ng transport strike ang Piston sa petsang Oktubre 16 at 17 kung saan nag deklara si Pangulong Rodrigo Duterte na walang pasok sa mga paaralan at mga tanggapan ng gobyerno sa buong bansa.