Nilinaw ng MPD o Manila Police District na 25 lamang ang nasawi sa isinagawang operasyon ng pulisya kontra krimen at iligal na droga.
Ayon kay MPD Director Chief Superintendent Joel Coronel, bagama’t 26 ang kanilang naitalang patay sa nakalipas na 24 oras, isa aniya rito ang biktima ng pagpatay.
Kaugnay nito, sinabi ni Coronel na nagsagawa na ng imbestigasyon ang kaniyang mga tauhan kung sino ang may kagagawan sa nasabing krimen.
Magugunitang nagkasa ng operasyon sa ilalim ng Oplan Double Barrel Reloaded ang MPD sa mga lugar ng Sta. Mesa, Sta. Cruz, Sta. Ana, Ermita, Pandacan at Sampaloc.
Kasunod nito, nilinaw din ni Coronel na mula sa nakalipas na operasyon na nagsimula 7:00 kagabi hanggang 7:00 kaninang umaga, pumalo na sa 48 ang kanilang naaresto mula sa 40 operasyon na kanilang inilarga.
Samantala, sinabi naman ni MPD Spokesman Superintendent Edwin Margarejo na bukas ang kanilang mga anti-drug operations sa mga miyembro ng media para makita ang tunay na sitwasyon.
I can assure you that lahat ho ‘yan ay armado during the time na nagkaroon ng anti-drug operation.
Ine-encourage po natin ang ating mga kaibigang media na, dito po sa Manila Police District meron po tayong sariling presscon na in case na may mga anti-drug operation na sumama.
Makikita naman po natin na minsan pinapalabas sa ating mga balita may mga kasama po kaming mga media.
Kasabay nito, nagbabala si Margaerjo sa mga taga-Maynila na sangkot sa iligal na droga na magbago na.
Kung kayo ay involved sa iligal na gawain, mas maganda ay sumuko na kayo.
Kung halimbawa naman na wala kayong pagkakataon, talagang ayaw niyong itigil ‘yung illegal drugs activity ay pagka-nagkaroon ng impormasyon ang Manila Police District at na-validate ‘yung information, kayo po ay malaki ang possibility na it’s either maaresto kayo or kayo ay manutralized.