Paiimbestigahan ng Manila Police District ang insidente ng pagkamatay ng isang lalaki na nakakulong sa MPD station 11 noong Hunyo 18.
Ayon kay MPD Spokesperson Superintendent Erwin Margarejo, kanila na lamang hinihintay ang resulta ng autopsy sa labi ng nasawing preso na si Johnny Valiente, isang security guard.
Batay sa kuha ng CCTV sa selda na pinagkulungan kay Valiente, makikitang nakahiga ang biktima sa sahig habang pinapaypayan ng kapwa detainee bago ito isinugod sa ospital at namatay.
Gayunman, duda ang mga kaanak ni Valiente sa sanhi ng pagkamatay nito lalu’t malakas at walang anilang sakit ito bago makulong.
Dagdag pa ng mga kamag-anak ng biktima, posibleng pinag-initan ito dahil may isang pulis ang pinagbantaan nito.
Iginiit naman ni Senior Inspector Sonny Reyes ng MPD Station 11 na malabong mangyari ang alegasyon ng mga kaanak ni Valiente dahil bantay sarado ang selda at hindi aniya agad nakakapasok ang mga pulis sa loob ng custodial facility.
Si Valiente ay pang dalawampu na sa bilang ng mga isinugod sa ospital at namatay na preso sa MPD smula noong Enero hanggang ngayong Hunyo.