Nakapagpadala ng paliwanag ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) operator ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.
Ito ang inihayag ng MPTC matapos sila hingan ng action plan at paliwanag ni Gatchalian hinggil sa nararanasang problema sa radio-frequency identification (RFID) system ng NLEX na nagdudulot na matinding trapiko.
Ayon kay MPTC Chief Communications Officer Atty. Romulo Quimbo Jr., nakapaloob sa kanilang ipinadalang liham ang pag-aming nakararanas ng technical problems ang pagpapatupad nila ng cashless transaction scheme sa tollway.
Nakasaad din aniya sa liham ang paghingi ng pang-unawa sa mga naaabala at naapektuhan ng matinding trapiko bunsod ng nabanggit na technical problems.
Dagdag ni Quimbo, naglatag din sila ng mga panukala at plano para maresolba ang problema, sakaling mabigyan sila ng pagkakataon o panahon para maipatupad ito.
Humihingi po kami ng 15 days para matugunan at makasagot din kami sa mga hinihiling niya doon. Pero kahapon po, doon sa, mga 12:20 natanggap namin ‘yung sulat. Sabi, hindi na raw binibigyan ng palugit. Sabi bniya by 5:01 dapat meron syang matanggap na sulat at nandoon na po ‘yung mga solusyon. Meron naman kaming pinadala na nung oras na ‘yon, sa e-mail nga lang ‘yung pamamaraan dahil gipit na rin sa oras. Pero bigla na lang po pagka-alas-5, gano’n, nagserve na sya nung executive order,” ani Quimbo. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882