Balik normal na ang operasyon ng MRT-3 at LRT-2 ngayong araw.
Ito ay matapos na suspendihin ang operasyon ng mga pangunahing train system sa Metro Manila kasunod ng pagtama ng magnitude 6.1 na lindol sa Pampanga at naramdaman sa ibang bahagi ng Luzon, kahapon.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, walang nakitang problema sa kahabaan ng rail system ang kanilang mga inspector kaya binigyan na ng go signal ang pagbabalik operasyon nito.
Habang kahapon, inanunsyo na rin ni Light Rail Transit Authority spokesperson Atty. Hernando Cabrera ang pagbabalik operasyon ng LRT-2 ngayong 4:30AM.
Sinuspinde ang operasyon ng MRT-3, LRT-1 at 2 at ng Philippine National Railway kahapon ng hapon para magbigay daan sa isasagawang assessment sa estraktura at buong pasilidad ng mga ito alinsunod na rin sa itinakdang five-hour observation period ng NDRRMC.