Ipatutupad muli ng MRT-3 ang segregation scheme sa mga tren simula ngayong linggo, Agosto 21, at isang araw bago magbukas ang klase bukas, Lunes.
Ang Segregation scheme ay ang paglalaan ng unang dalawang pintuan ng unang bagon para sa mga senior citizens, Persons with Disabilities (PWDs), buntis, at mga indibidwal na may kasamang bata.
Nakalaan naman ang huling tatlong pintuan ng unang bagon para sa mga babaeng pasahero, kasama ang mga babaeng estudyante.
Samantala, ang ikalawa at ikatlong bagon ng tren ay bukas para sa lahat ng uri ng pasahero.
Tiniyak naman ng MRT-3 na makakakuha ng 20% fare discount ang mga estudyanteng pasahero sa buong oras ng operasyon ng MRT-3.
Kailangan lamang nilang ipakita ang Valid student ID o orihinal na enrolment/registration form sa pagbili ng ticket.