Nakapagtala ng sunud-sunod na aberya ang magkakaibang istasyon ng MRT o Metro Rail Transit ngayong araw.
Unang naitala ang aberya dakong alas-7:12 kaninang umaga kung saan pinababa ang mga pasahero sa Santolan Anapolis Station Southbound matapos makaranas ng technical problem.
Makalipas lamang ang isang minuto nagka-problema naman sa “automatic train protection onboard signalling system” ang bagon ng MRT sa northbound ng Shaw Boulevard Station, dahilan para biglaang magpreno ang bagon.
Dahil dito, dalawang pasahero ang napaulat na nasugatan.
Ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez, kabilang sa mga nasugatan ay isang 30-taong gulang na babae na nagtamo ng gasgas sa kanang braso at isang 68-taong gulang na napilayan.
Pagkatapos nito, muling nagka-problema ang tren dakong alas-8:15 ng umaga kung saan pinababa ang mga pasahero sa Magallanes Station Northbound.
At sa ika-apat at ika-limang pagkakataon, nagka-aberya naman sa Boni Station Southbound dakong 8:22 at 9:11 ng umaga matapos makaranas ng technical problem.
—-