Muli na namang nakaranas ng aberya ang Metro Rail Transit o MRT 3 pasado alas nueve kaninang umaga.
Bumiyahe ang tren mula North avenue station ngunit nagsimula nang magpahinto-hinto ang takbo nito paglagpas ng Cubao station, dahilan upang pababain ang mga pasahero sa Santolan station at dalhin ang depektibong tren sa Shaw boulevard station.
Inabot ng kinse minutos o alas nueve beinte singko ng umaga bago tuluyang makasakay sa isang skipping train ang mga pinababang pasahero.
Ayon sa driver ng tren, may babala siyang natatanggap na may pintuang nagbubukas sa naturang tren bagama’t hindi matukoy ang partikular nito na siyang dahilan ng pag-hinto ng nasabing tren.
Tikom naman ang pamunuan ng MRT line 3 hinggil sa nangyaring insidente at ibinalik na rin sa kanilang depot sa North Avenue ang depektibong tren.
By: Jaymark Dagala