Pinabilis pa ng MRT Line 3 (MRT-3) ang bilis nito na nasa 50 kilometers per hour (kph) simula kaninang umaga.
Ang pinabilis na takbo ng MRT trains ay nagresulta sa 4-minuto hanggang 5-minutong paghihintay lamang na mas mabilis kumpara sa 6-minuto hanggang 6.5-minutong headway na naitala noong Oktubre.
Ayon kay MRT-3 Operations Director Michael Capati, kahapon nila sinimulan ang pagtataas ng speed ng mga tren at kanila pang oobserbahan pa para ma-improve pa ang headway.
Natutuwa naman ang mga pasahero sa nasabing hakbang ng MRT-3 management dahil tiyak na mapapabilis din ang pagdating nila sa kanilang destinasyon.
Magugunitang Huwebes noong isang liggo ay nagkasa ng trial run ang MRT-3 sa pagtatangkang makapagbiyahe sa layong 16.7-kilometers sa bilis na 50 kph —gamit ang bagong overhauled light rail vehicle.
Pinaplano ng MRT-3 na itaas pa sa 60 kph ang takbo ng mga tren sa susunod na buwan.