Tiniyak ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na kakastiguhin nito ang kanilang mga tauhan matapos kumalat ang kontrobersyal na video kung saan bara-bara o madalian lang ang ginawang pag-disinfect sa mga hawakan ng tren.
Pahayag ng Department of Transportation (DOTr), hindi nila kinukunsinti ang mga ganoong gawain at katunayan ay nahaharap na sa disciplinary action ang cleaning staff ng MRT.
Giit ng DOTr, lahat ng public concerns ay tinutugunan nila, partikular ang kahalagahan ng maayos na disinfection sa kanilang mga tren ngayong pandemya.
Gayunman, hindi binanggit ng ahensya kung anong sanction ang ihahagupit nila sa kanilang mga empleyadong nakunan ng video na tila naglalakad lamang habang bitbit ang basahan at disinfectant spray sa loob ng tren.