Nakatakdang ilunsad ng Metro Rail Transit Line 3 ang bago nitong contact tracing web application na MRT-3 trace sa Enero 18.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, ang MRT-3 Trace ay makatutulong upang maiwasan ang direct contact sa pagitan ng pasahero at staff ng tren.
Aniya naglalayon din itong mas mapadali ang proseso ng pagko-contact tracing at upang maiwasan ang mahabang pila sa istasyon sa pagfill-out pa lamang ng contact tracing form.
Dagdag ni Capati, para sa mga pasahero ng MRT-3, maglog-in lamang sa trace.dotmrt3.gov.ph , mag-register at sagutan ang kinakailangang impormasyon na aniya’y mapupunta sa MRT-3 Data Center, sunod ay i-activate lamang ang location services ng smartphone na gamit.
Pagkatapos mag-register, makatatanggap ang pasahero ng QR code na ii-scan nito sa nakatakdang area ng istasyon bago makapasok.
Kinakailangan ding i-presenta sa security personnel ang verification message na matatanggap ng pasahero.
Paglilinaw naman ni Capati na ang full-implementation ng naturang contact tracing app ay sa buwan pa ng Pebrero. —sa panulat ni Agustina Nolasco