Target ng DOTr o Department of Transporation na matapos ang MRT-7 at Line 8 ng train system sa bansa bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, agad isusunod ang konstruksyon ng Line 8 pagkatapos ng MRT-7 na inaasahang matatapos sa susunod na dalawang taon.
Ang MRT-7 at line 8 ang aniya’y magdudugtong sa iba’t ibang linya ng tren sa Metro Manila kabilang na ang PNR.
Kapag natupad aniya ang malaking proyektong ito, maaari nang libutin ang Metro Manila sa pamamagitan ng tren lamang.
“Itong Line 8 ay connected siya sa MRT-7 sa University Avenue, ang Line 8 connected siya sa EDSA MRT-3, yung Line 8 connected siya sa PNR station sa may España, yung Line 8 ay connected din siya sa Line 2 at Line 1 ng LRT, maganda ito, kapag natapos ang dalawang ito ay puwede mo nang ikutin ang Metro Manila sa pamamagitan ng tren.” Ani Chavez
Kasabay nito ay humingi ng paumanhin si Chavez sa publiko sa trapik na idudulot ng mga konstruksyon.
Sa ngayon ay sinisimulan na ang paghuhukay sa Quezon City Circle at UP Techno Hub para sa underground stations ng MRT-7.
Una nang nakaranas ng matinding masikip na trapiko ang bahagi ng Fairview sa Quezon City kung saan naman sinimulan ang paglalagay ng mga poste o columns.
“Pasensya na po kayo, pagdadaanan talaga natin ang mga paghihirap na ito, tama yung sinabi ni Budget Secretary Ben Diokno, “It will get worst, before it gets better,” talagang dahil sa mga konstruksyon na ito ay makakaranas tayo ng paghihirap pero after two years ay pangmatagalan namang ginhawa, ang makikinabang diyan ay kalahating milyon araw-araw.” Pahayag ni Chavez
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview