Tuloy ang gagawing weekend shutdown ng Metro Rail Transit (MRT) line 3 mula ngayong araw ng Sabado, Nobyembre 14.
Ito’y bilang bahagi ng ginagawang rehabilitasyon at maintenance sa buong linya ng MRT 3 sa pangunguna ng service provider nitong Sumitomo – Mitsubishi Heavy Industries.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ilan sa mga gagawin sa MRT ay ang bushing replacement sa kanilang depot gayundin ang turn-out activity sa Taft Avenue Station.
Magugunitang binilisan na ng pamunuan ng MRT ang takbo ng kanilang mga tren sa 50 kilometro bawat oras sa pagpasok ng buwang kasalukuyan at target nilang maabot ang 60 kilometro bawat oras na bilis ng mga tumatakbong tren pagsapit ng Disyembre.
Tatagal ang nasabing weekend shutdown ng MRT line 3 hanggang sa araw ng linggo, Nobyembre 15 at muli itong magbabalik operasyon sa Lunes, Nobyembre 16.