Ipinasususpinde ni KABATAAN Partylist Rep. Terry Ridon ang P3.8 billion long term maintenance contract para sa MRT-3 na ini-award ng Department of Transportation and Communication sa isang Korean-Filipino venture.
Ayon kay Ridon, isa sa mga miyembro ng House Committee on Transportation, dapat magpaliwanag sa kongreso si DOTC Secretary Jun Abaya kung bakit walang naganap na bidding.
Kaduda-duda rin anya ang kontrata maging ang kumpanyang nakakuha nito dahil sa kawalan ng karanasan sa maintenance ng mga railway system.
Kinuwestyon din ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang motibo ng kagawaran sa paglalatag ng negotiated contract kaya’t dapat itong masilip ng mga mambabatas upang matiyak na hindi minadali at magiging panibagong pasanin ng mga mananakay.
Magugunitang inanunsyo ng DOTC noong bisperas ng Pasko na ini-award na sa joint venture na Busan Transportation Corporation, Edison Development and Construction, Tramat Mercantile, TMI at Castan Corporations ang kontrata na magsisimula sa January 5, 2016.
By: Drew Nacino