Bibigyan ng libreng sakay ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang mga kababaihan bukas, Marso 8.
Ang libreng sakay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi ay bilang pagdiriwang sa International Women’s Day.
Ang tema ng pagdiriwang ng araw ng mga kababaihan sa taong ito ay #BalanceForBetter.
MRT-3 rehab
Samantala, on track ang MRT-3 rehabilitation project na pinondohan ng Japan at inaasahang maku-kumpleto sa loob ng dalawampu’t anim (26) na buwan.
Ipinabatid ng Department of Transportation (DOTr) na sinimulan ng rehabilitation and maintenance service provider na Sumitomo Corporation at Mitsubishi Heavy Industries ang advance transition noon pang November 2018.
Sinabi ng DOTr na matapos lumagda sa rehabilitation and maintenance agreement ang ahensya noong December 2018, nagsimula naman ang Sumitomo MHI na mag-mobilize ng kanilang advance engineering teams sa MRT-3 at noong buwan ng Pebrero ay sinimulan na ang pagbili ng mga riles, parte ng tren at iba pang kakailanganin para sa rehab program.
Nilinaw ng DOTr na ang nananatiling pending ang advance payment ng DOTr sa Sumitomo sa ilalim ng kasunduan dahil hindi pa rin nalalagdaan ang panukalang 2019 General Appropriations Act kung saan kukunin ang pondo para sa MRT-3 rehabilitation project.
Gayunman, kahit wala pang advance payment, sinabi ng DOTr na nagkasundo sila at Sumitomo na bumili ng mga pangunahing kailangan para sa rehabilitation kablang ang rail tracks at parte ng tren para sa general overhaul ng pitumpu’t dalawang (72) bagon ng MRT-3.
—-