Target ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 na pabilisin sa 50 kilometers kada oras ang takbo ng kanilang mga tren simula Nobyembre.
Ayon kay MRT-3 Director of Operations Mike Capati, ito ang isa sa dahilan kaya isususpendi ang operasyon ng MRT mula October 31 hanggang November 2 para sa maintenance.
Sakaling mapabilis na ang takbo ng tren ng MRT, inaasahang magiging isang oras at limang minuto na lamang ang biyahe sa buong linya.
Ito ay mula sa kasalukuyang isang oras at 10 minutong biyahe sa 40 kilometers kada oras na takbo ng tren.
Maliban dito, inaasahan na ring iikli ang pila ng mga mananakay ng MRT.
Samantala, kahaponnagsagawa ng simulation run ang MRT para makita ang ibang mga technical issues sa mga riles bago ang planong pagpapabilis sa takbo ng mga tren sa kanilang pagbabalik operasyon sa November 3.