Handang mag-abono ng 150 milyong piso ang Metro Rail Transit Corporation o MRTC para sa muling pagbangon ng MRT-Line 3 sa harap na rin ng sunud- sunod na aberyang nararanasan nito.
Ito’y para bumili ng mga spare parts, palitan ang mga lumang riles at isailalim sa overhaul ang 73 bagon ng MRT sa loob lamang ng 26 na buwan.
Ayon kay MRTC President Frederick Parayno, nagkaroon na sila ng pag-uusap ng orihinal na maintenance provider ng mrt na sumitomo para maglatag ng action plan sa kanilang pagsasaayos sa sistema ng naturang tren.
Kanila na aniyang naiparating kina Pangulong Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Art Tugade ang nasabing panukala at hinihintay na lamang din nila ang magiging tugon ng mga ito.
Pagtitiyak pa ni Parayno, handang bumalik ang Sumitomo sakaling kunin ulit sila ng MRTC para ayusin ang MRT nang hindi nangangailangan ng pagsasara o pagtigil sa operasyon nito.
—-