Kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naganap na pambobomba sa Mindanao State University gayundin sa komunidad ng Marawi na ikinasawi ng labing isang katao.
Tiniyak din ni PBBM ang tulong para sa mga biktima ng pagsabog.
Naniniwala rin ang pangulo na ang mga dayuhang terorista umano ang nasa likod ng karumal-dumal na pag-atake.
Ayon kay PBBM, mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng national government sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa mga kinauukulang local government units para sa kanilang mabilisang tugon sa tinawag niyang “latest assault on peace.”
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. sa mga residente ng Marawi na mas pinaigting pa ang mga hakbang sa seguridad sa buong MSU campus at sa mga kalapit na lugar.
Ipinag-utos rin ng pangulo sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na siguruhin ang proteksyon, kaligtasan ng mga sibilyan at seguridad ng mga apektadong komunidad.
Kaugnay nito, hinimok ng PBBM ang publiko na manatiling kalmado, maingat, at magkaroon ng malasakit para tiyakin na ang “nakakabahalang pangyayari” ay hindi madagdagan ng mali o hindi beripikadong impormasyon. - mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)