Nananatiling normal ang kondisyon ng Mt. Apo sa kabila ng magkakasunod na pagyanig sa Mindanao nitong Oktubre.
Ito ang iginiit ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) research assistant Kris Vidad matapos kumalat sa mga social media ang mga ulat na nagbabadya umanong pumutok ang Mt. Apo kasunod ng mga nangyaring lindol.
Ayon kay Vidad, walang dapat ikabahala ang publiko dahil nananatiling ligtas ang Mt. Apo at hindi rin aniya ito konektado sa fault line sa Tulunan, North Cotabato.
Kaugnay nito, nananawagan si Vidad sa pubiko na maging kalmado at mapanuri sa mga lumalabas na balita lalo na sa social media.
Samantala, patuloy naman ang pagmomonitor ng Phivolcs sa volcanic activity ng Mt. Apo dahil may kalapit itong aktibong fault line.