Kinumpirma ng isang volcanologist ang mudflow na patuloy na nagaganap sa Bulkang Mayon bunsod ng mga pag-ulan sa lugar nitong mga nakalipas na araw.
Partikular dito ang bahagi ng Miisi channel sa Barangay Anoling, Camalig, Albay.
Ayon kay Resident volcanologist Paul Alanis, umabot ang mudflow ng limangdaang metro o kalahating kilometro mula sa tuktok ng bulkan na binubuo ng mga abo at tubig.
Paliwanag niya, hindi ito bagong materyales kundi bahagi ito ng dating ibinuga ng bulkan nang pumutok ito noong 2018.
Babala ni Alanis, posible itong masundan hindi lamang sa nabanggit na channel kundi sa iba pa dahil sa mga pag-ulan at pagpasok ng masamang panahon.
Pina-iiwas naman ang publiko sa pagpasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone ng bulkan at mga river channels nito dahil sa posibleng panganib.