Hinimok ng mga Senador ang Malacañang na muling pag-aralan ang plano nitong taasan ang buwis sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian na Chairman Ng Senate Committee on Economic Affairs, masyadong mahihirapan ang publiko sa dagdag buwis sa gasolina at diesel lalo’t mas tumataas ang presyo nito ngayon.
Binawasan, aniya, ng mga bansang exporter ng petrolyo ng 1 milyong bariles kada araw ang kanilang produksyon kaya tumaas ng 7 beses ang presyo nito.
Natural lamang aniyang higit pa itong lolobo kapag tinaasan ang buwis.
Dapat aniyang isaalang-alang na kapag ito’y nangyari, hihina ang purchasing power ng piso at tataas ang presyo ng mga bilihin.
Walang itong mabigat na dahilan– Sen. Escudero
Masyado umanong malaki ang balak ng Malacañang na dagdag buwis na anim na piso sa bawat litro ng diesel at 4 hanggang 10 piso sa gasoline, bukod pa sa ipinapataw na 12% value added tax.
Ayon ito kay Senador Chiz Escudero na una nang nagsabing walang mabigat na dahilan para dagdagan ang buwis sa mga produktong petrolyo.
Sinabi rin ni Escudero na unahin muna ang pagkolekta sa hindi nasisingil na buwis at ipakitang nalulubos ang paggamit sa pondo ng gobyerno dahil ilang taon nang underspending ang ibang government agencies.
Pag-aaralan ito ng maigi sa Senado – Sen. Angara
Tiniyak ni Senador Sonny Angara na pag-aaralan nilang maigi sa Senado ang panukalang dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo.
Isasalang, aniya, ang nasabing panukala sa public consultations at public hearings ng pinamumunuan niyang Senate Ways and Means Committee na dumidinig sa mga tax measure.
Sa ngayon, sinabi ni Angara na masyado pang maaga para umaksyon ang senado dahil nasa Kamara pa ito.
Sa batas, kailangan munang makalusot sa Kamara ang mga tax measure bago ito talakayin sa Senado.
By: Avee Devierte / Cely Bueno