Nanindigan ang Department of Education sa pasyang ipagpatuloy ang muling pagbubukas ng klase sa Agosto – 22 sa kabila ng mga panawagan na suspendihin ito.
Ayon kay DepEd spokesman Michael Poa, wala nang atrasan ang pagbubukas ng klase sa nasabing petsa dahil alinsunod sa Republic Act 7797 ay ipinagbabawal na umpisahan ang School Year nang lampas sa Agosto.
Una nang umapela ang Teachers’ Dignity Coalition sa DepEd na i-atras ang school opening sa kalagitnaan ng Setyembre, dahil hindi umano sapat ang school break upang makapagpahinga ang mga guro mula sa nakaraang Academic Year at paghandaan ang susunod.
Gayunman, iginiit ni Poa na marami naman ang lumahok sa Brigada Eskuwela Program, kung saan tumutulong ang stakeholders at mga volunteer sa preparasyon ng mga paaralan para sa darating na School Year.
Nakikipag-ugnayan na rin anya ang kagawaran sa iba pang government agencies sa muling pagbubukas ng mga paaralan, tulad ng Department of Trade and Industry upang ma-regulate ang presyo ng school supplies.
Bukod pa ito sa Department of Health para mabakunahan ang mga mag-aaral at school personnel laban sa Covid-19.