Pinaiimbestigahan nina Senador Risa Hontiveros at Francis Pangilinan sa senado ang pagbabalik ng partial operation ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa inihaing senate resolution number 396, nais nina Hontiveros at Pangilinan na silipin ang naging desisyon ng Pagcor na payagan ang muling pagbubukas ng POGO sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa dalawang senador, inilalagay sa panganib ng naging hakbang ng Pagcor ang kalusugan at pangkalahatang kalagayan ng mga Filipino dahil sa pagpabor nito sa POGO.
Nakababahala anila ang mahigit 50,000 manggagawa ng POGO na hindi na masasaklaw ng ECQ at maaari nang makabalik ng trabaho.
Magugunitang inaprubahan ng Inter Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng Pagcor na muling makabalik operasyon na ang 30% bahagi ng kabuuang workforce ng POGO sa gitna ng ECQ.