Handa na ang mga restaurant at salon employee sa muling pagbubukas ng kani-kanilang mga establisyimento kasabay ng pilot implementation ng GCQ with alert level 4 sa Metro Manila, simula ngayong araw.
Sa ilalim ng mga bagong patakaran, kung outdoor ang personal care service — gaya ng mga barberya, hair o nail spa, at salon — puwede silang mag-operate nang 30% capacity habang 10% kapag indoor pero fully vaccinated lamang ang papayagan sa mga establisimyento.
Ayon kay reyes haircutters Chairman at CEO Les Reyes, limitado lamang sa pag-aayos ng buhok ang kanilang serbisyo at wala muna ang massage at iba pang mayroong physical contact.
Tiniyak naman ni sm North Edsa Head Jocelyn Clarino na all systems go na ang kanilang mall kaya’t nagdagdag na sila ng mga mesa sa ilang open area na maaaring gamitin ng sinumang customer.
Una nang inihayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na inaasahang aabot sa 150,000 na manggagawa ang magbabalik-trabaho simula ngayong araw sa pagpapatupad ng alert level 4 sa Metro Manila.—sa panulat ni Drew Nacino