Welcome sa Philippine Tour Operators Association (PHILTOA) sa naging pasya ng Department of Trade and Industry (DTI) na payagan na muling makapag-operate ang mga travel agency at tour operators sa buong bansa.
Ito’y matapos ang mahigit pitong buwang lockdown sa Metro Manila at maraming lugar sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay PHILTOA President Cesar Cruz, bago pa man ang naging pasya ng DTI, nakapaghanda na sila ng iba’t-ibang programa upang makasunod sa new normal.
Adjusted na din doon pati yung mga cost ng mga programa nakabase ito sa 50% na transportation, 50% capacity sa isang sasakyan lamang ang pinupuno. Naka-adjust na kaming tour operators para pagawan ng costing pati yung pagpasok ng mga requirements; for example yung doon sa mga ibang destinasyon na nagre-require pa rin ng testing, na-incorporate na namin dun,” ani Cruz.
Bagama’t aminado si Cruz na hindi madali sa panahong ito na makumbinsi ang publiko na bumiyahe subalit may mga pamamaraan na sila upang makahikayat ng mga biyahero na hindi nasasakripisyo ang kanilang kaligtasan at kalusugan.
Katulad ngayon may gagawin kaming first digital bucket list travel tour exchange, dito yung mga travel tour operator magbebenta ng mga tour packages, pero yung mga packages na ibebenta dito ay actually travel voucher, open dated siya kasi hindi pa natin alam din yung ating mga travel consumers kung kailan pa talaga sila ready magbyahe. Kapag binenta yung mga travel vouchers ngayon iniisip namin dito kapag bumili sila, tutal may travel voucher na ako might as well na bumiyahe na ako,” ani Cruz.