Isinusulong ng Commission on Elections (COMELEC) ang muling pagbuhay sa bidding para sa refurbishment ng mga lumang PCOS machines para sa 2016 elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, ito ay dahil bukod sa ito ang pinakamabilis na paraan, ito din ang pinakamura.
“I-revive na yung refurbishment option and hopefully magkaroon ng successful bidding in that regard kasi mas mura eh, sa bawat business, pati na rin sa halalan merong advantage talaga kung sino ang nakapasok na diyan o nakaupo, pero that does not mean na hindi puwedeng talunin, ang key to that talaga is to make sure na mas maraming bidder sana.” Ani Bautista.
Tiniyak din ni Bautista na bagamat gahol na sa oras, ginagawa naman ng COMELEC ang lahat, upang manatiling transparent ang ginagawang paghahanda para sa presidential elections.
“Oras ay gahol na, at the same time that does not give us license to not follow rules, therefore kami nga ang gusto lang naming gawin is to be transparent, ipakita kung bakit kami nagpapasya toward any direction, we are open to constructive comments.” Pahayag ni Bautista.
Hybrid system
Hindi muna gagamitin ang hybrid system, para sa Presidential elections sa 2016.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andy Bautista, ito ay dahil sa kabila ng mga magandang feature nito, mayroon pang ilang bahagi ng sistema, na kailangang busisiin, katulad nalang ng pagkakaiba ng nakikita sa screen ng laptop, at ang nasa projector.
Sa kabila nito, sinabi ni Bautista na kanila pa din pag-aaralan ang hybrid system, subalit ito ay para nalang sa mga susunod na halalan.
“Medyo hilaw pa, promising features na puwede nating tignan para sa mga susunod na halalan, may problema sa cost, sa logistics, napansin namin kung ano yung nakikita mo sa screen ng laptop iba doon sa nakikita sa projection screen, ang sabi nila kailangan lang daw nilang ayusin ang software para magpareho.” Dagdag ni Bautista.
Satellite registration
Pinaalalahanan ni COMELEC Chairman Andy Bautista ang publiko na tangkilikin ang satellite registration sa mga mall at ang pagpapatuloy na pagpaparehistro sa COMELEC offices.
Sinabi ni Bautista na unti-unti nang umaabot sa malalayong probinsiya, katulad ng Davao, ang kanilang sattelite registration sa mga mall.
Ayon kay Bautista, sa ngayon ay mayroon na silang mga booth sa mga mall ng Robinsons, SM, Ayala, Waltermart at Gaisano.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit