Pag-aaralan ng Senado ang posibilidad na magsagawa muli ng pagdinig hinggil sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson matapos lumabas sa nakaraang dalawang araw na hearing ng senado sa kaparehong usapin ang paiba-iba o hindi malinaw na impormasyon mula sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Lacson, partikular na aniya rito ang tila nililihim na presyo ng bibilhing bakuna kontra COVID-19 ng pamahalaan mula sa Sinovac.
Ani Lacson, patuloy na iginigiit ni Vaccine Czar Carlito Galvez ang confidentiality disclosure agreement tuwing tinatanong kung magkano ang presyo ng bakuna ng Sinovac.
Habang mabilis naman aniyang nasagot ng pribadong grupo na Go Negosyo ang tanong kung magkano nila nabili ang bakuna mula sa AstraZeneca na kanilang ibibigay na donasyon sa pamahalaan.
Dagdag ni Lacson, hindi rin naging malinaw ang dahilan kung bakit hindi na government-to-government ang kasunduan sa pagbili ng bakuna mula sa Sinovac.
Kapag magulo ang sagot paano natin maliliwanagan, tinatanong natin kung magkano ayaw sagutin, tapos tinatanong natin kailan talaga ang roll out ayaw din sagutin puro indicativeness, iyon medyo naintindihan natin ‘yon kasi kung hindi pa perfected yung contract pero sa kanila rin nanggaling yung date na February 20 may delivery na. Ito pa isa, magde-deliver yung Sinavoc ng 25 million doses sinasabi February 20, 50,000 susundan ng 950,000 sa susunod na buwan pagkatapos 1 million, 2 million, iyon pala wala pang application sa EUA,” ani Lacson. — panayam mula sa Usapang Senado.