Iginiit ng Commission on Elections o COMELEC na makakamura pa rin ang pamahalaan kung isasailalim sa refurbishment ang mga gagamiting Precint Count Optical Scan o PCOS machines sa susunod na taon.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, doble aniya ang magagastos ng gobyerno kung gagamitin ang hybrid o pinagsamang manual at automated na sistema ng eleksyon na nagkakahalaga ng P16 na bilyong piso
Sinabi ni Bautista, mapupunta ang nasabing halaga sa labor cost dahil mangangailangan ito ng mas maraming guro na magsisilbi bilang board of election inspector na gugugol ng maraming oras sa araw ng halalan.
Bukod pa aniya rito ang mga gagamiting laptop computers at CCTV cameras na ikakabit sa bawat presinto hindi tulad ng refurbishment ng mga PCOS machines na gugugol lamang ng P3 hanggang P4 na bilyong piso.
Sa ilalim aniya ng Precint Automated Tallying System o PATAS na isang hybrid system, sabay ang manu-mano at automated canvassing o pagbibilang ng boto gayundin ang transmission ng resulta ng botohan.
By Jaymark Dagala