Dismayado ang PPCRV o Parish Pastoral Council on Responsible Voting sa panibagong pagpapaliban ng Commission on Elections (COMELEC) sa pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa eleksyon.
Nangangamba si PPCRV Chairperson Tita de Villa na baka masagad na ang oras at magkatotoo ang pangamba ng ilan na hindi matuloy ang eleksyon sa ilang lugar na hindi mapapadalhan sa oras ng mga balota.
Bagamat tinitiyak anya ng COMELEC na mayroon pang sapat na panahon para sa pagpapa-imprenta at testing ng mga balota, sinabi ni de Villa na malaki rin ang impact ng tatlong beses nang pagpapaliban ng imprenta sa confidence building o para mabuo ang tiwala ng sambayanan sa magaganap na computerized election.
Matatandaan na ito na ang ikatlong pagkakataon na ipinagpaliban ng COMELEC ang pagsisimula ng pag-imprenta ng mga balota.
“Nadismaya ako nung nalaman ko eh, this is not doing any good in confidence building na bakit hindi agad nakita agad yun, bakit pupunahin kung kelan halos yung timeline sa prosesong yun ay talagang batak na batak na, ang sabi naman hindi daw may panahon pa, pero ang nakakatakot lang is kung paikli nang paikli ang timeline mo, panipis nang panipis, kung palagay mo magkaroon na naman ng emergency o merong hindi na naman magtugma, eh di konti na lang ang panahon mo para i-correct kung anumang error ang mangyari, habang nagmamadali ka mas prone sa pagkakamali.” Pahayag ni de Villa
Blessing in disguise
Samantala, itinuturing pang blessing in disguise ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista ang pag-urong ng schedule sa pag-imprenta ng mga balota.
Ayon kay Bautista, mas mabibigyan sila ng pagkakataon para burahin na ang pangalan ng mga kandidatong na-disqualify na sa pagtakbo sa May 9 elections.
Maaayos na rin aniya nila ang mismong haba ng balota na maaaring makapagpabilis sa pagboto.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Judith Larino | Karambola