Balik kalsada na ngayong araw ang Philippine National Police-Highway Patrol Group o PNP-HPG.
Dakong alas-4:30 kanina nang pangunahan ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang send-off ceremony sa Camp Crame, Quezon City sa mahigit 160 miyembro ng PNP-HPG na itatalaga sa 6 na choke points sa EDSA.
Ayon kay PNP Chief Marquez, ito na ang pagkakataon upang maibalik ang tiwala sa kanila ng publiko lalo ng mga motorista at tuluyang mabura ang mga kotong cop.
“This will be our defining moment, everyday na nasa kalsada kami, tatama ba itong gagawing ito sa ating motto, sa ating dalawang palaging sinasabi, to serve and to protect, ang gagawin bang ito tama ba sa konsepto ng to serve, tama ba sa konsepto ng to protect.” Bahagi ng pahayag ni Marquez.
Hinimok din ni Marquez ang mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group para ipakita ang kakayahan nito sa pagsisimula ng mandatong ayusin ang trapiko sa EDSA simula ngayong araw na ito.
Sinabi ni Marquez na dapat maitatak ng HPG sa kasaysayan ang aniya’y magandang pagkakataon para makatulong sa pag-aayos ng trapiko.
Tiniyak din ni Marquez na sasamahan niya ang mga tauhan ng HPG sa kampanya para sa maayos na trapiko.
Samantala, muling iginiit ni Chief Superintendent Arnold Gunnacao, Direktor ng HPG, ang pagpapatupad ng zero tolerance sa mga pasaway na motorista alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Benigno Aquino III na higpitan ang pagpapatupad ng batas trapiko.
Bawal na rin aniya ang “padrino system” kaya’t hindi uubra sa kaniyang mga tauhan ang mga ipakikitang tarheta o calling card ng mga pasaway na motoristang mahuhuling lumalabag.
Partikular na babantayan ng mga tauhan ng HPG ang mga major choke points sa EDSA partikular na sa Edsa Balintawak, Cubao at Ortigas interchange sa Quezon City, Shaw Boulevard Intersection sa Mandaluyong, Guadalupe sa Makati at ang Taft Avenue sa Pasay City.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala | Judith Larino | Jopel Pelenio