Inalmahan naman ng mga oposisyong mambabatas mula sa Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema na pagtibayin ang ligalidad ng ikatlong martial law extension sa Mindanao.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio, gagawing daan lamang ang naturang pagpapalawig upang takutin at guluhin ang mga sibilyan, mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga komunidad ng lumad at mga environmental advocates at aktibista sa rehiyon.
Kinuwestiyon din ito ni Akbayan Partylist Representative Tom Villarin dahil wala anyang tunay na basehan na kailangang palawigin pa ang martial law kundi ito anya ay galing lamang sa mga ispekulasyon na mayroong nagaganap na rebelyon sa Mindanao.
Dagdag pa ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, ang naturang pagpapalawig ay hindi nagsisilbing aksyon sa rebelyon kundi nagiging permiso para gumamit ng kapangyarihan.