Walang tiyansang makalusot sa Senado ang isinusulong ng Kamara na muling ipagpaliban ang Barangay at SK elections.
Ito ang tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian, miyembro ng Senate Committee on Electoral Reforms dahil nagkakaisa silang mga senador na sapat na ang dalawang beses na pagpapaliban sa nasabing halalan.
Sinabi sa DWIZ ni Gatchalian na hindi maganda sa demokrasya ang palagiang pagpapaliban sa nasabing eleksyon dahil hindi natutupad ang dahilan sa mga nakalipas na postponements.
“Ang dahilan po nila ay para matanggal ‘yung 40 percent ng mga kapitan, mahigit 20,000 na mga kapitan dahil sangkot ito sa iligal na droga, pero dalawang beses na natin itong pinagbigyan, dapat gawin nila ang trabaho nila kung hindi ay extend na lang tayo ng extend at hanap na lang po tayo nang hanap ng dahilan.” Ani Gachalian
‘Lower House’
Samantala, pagbobotohan pa sa plenaryo ng Kamara ang panukalang pagpapaliban muli sa barangay at SK elections.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson Sherwin Tugna.
Nilinaw ni Tugna na ang panibagong postponement sa barangay at SK elections ay para lamang maisabay ang plebisito kaugnay sa bagong porma ng gobyerno.
“Doon sa apat na bills na na-file at na-deliberate kahapon, ang essence at rason ng dalawa o tatlo doon kung bakit pinapa-move to October 2018 ay para isabay na ang plebisito sa halalan ng barangay at SK, bale ang content ng plebisito ay ang new form of government.” Pahayag ni Tugna
Bahala na ang Senado na magpasya sakaling maiakyat na rito ang panukalang pagpapaliban muli o sa ikatlong pagkakataon sa pagdaraos ng barangay at SK elections.
Ito ayon kay Tugna ay kahit pa walang inihaing kahalintulad na panukala sa Senado.
“It is now up to them to act, they have Monday, Tuesday, and Wednesday next week to act, totoo naman na tatatlong araw na lang at parang kapus na ang oras, pero hindi rin natin masabi eh baka mamaya syempre nandiyan ang ruling coalition, ang PDP-Laban na coming also from the President, ang mahalaga lang ang Lower House naipasa namin on third reading ‘yung bill on postponement in essence ay para maisabay ‘yung plebisito sa new form of government.” Paliwanag ni Tugna
(Ratsada Balita Interview)