Malaki ang posibilidad na muling sumirit ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa sa darating na Enero.
Ito ang inihayag ni OCTA Research Group Member Prof. Guido David dahil sa pagdiriwang ngayon ng kapaskuhan kung saan marami ang isinasagawang aktibidad o pagtitpun-tipon.
Ayon kay David, hindi rin agad maitatala ang mga bagong transmission o hawaan ng virus ngayon at lalabas lamang ito sa susunod na buwan.
Sa kabila naman nito, sinabi ni David na hindi niya pa nakikita ang pangangailangan na muling higpitan ang umiiral na community quarantine o ibalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang malaking bahagi ng bansa.
Ani David, bagama’t tumataas ang kaso ng COVID-19 hindi pa ito umaabot sa kritikal na lebel kung saan hindi na kakayanin ng health system.
Dagdag ni David, tiwala rin siyang pinagbibigyan lamang sa ngayon ang paglabas ng mga tao dahil may okasyon at mahigpit na ipatutupad muli ang mga restriksyon tulad ng curfew at physical distancing.