Ikinabahala ng World Health Organization (WHO) ang muling pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng COVID-19 sa South Korea at China.
Una nang kinumpirma ng South Korean government na nakapagtala ito ng bagong cluster ng coronavirus infection sa kanilang bansa kung saan kasama sa bilang ang mga Koreano na nagtungo sa mga nightclubs sa Seoul noong Mayo 2.
Naitala naman muli sa Wuhan, China ang bagong kaso ng naturang virus matapos ang halos isang buwang pamamahinga nito.
Binigyang diin ng WHO na kailangan pa ring ipagpatuloy ng mga bansa ang pagpapatupad ng mahigpit na patakaran maging ang detection at isolation sa mga taong infected ng nasabing virus.