Nagbabala sa publiko si National Policy against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. laban sa posibleng pagsipa ng coronavirus cases bunsod ng pananalasa ng mga bagyo sa bansa.
Giit ni Galvez, inaasahan na nilang dadami ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) lalo pa’t hindi na nasusunod ang physical distancing sa ilang evacuation centers na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng hawaan.
Dahil dito, hinimok ni Galvez ang publiko na huwag maging complacent o kampante at sumunod pa rin sa health protocols upang makaiwas sa impeksiyon.
Samantala, nangako naman si Galvez na ipaprayoridad ng gobyerno sa immunization program ang tinatayang 25-milyong Pilipino.