Ikinagulat ng ilang food manufacturers ang muling pagtaas ng presyo sa kada kilo ng sibuyas sa ilang pamilihan sa National Capital Region.
Matatandaang sumampa sa P150 hanggang P200 ang kada kilo ng local onions sa merkado dahil sa kakulangan ng suplay ng mga pula at puting sibuyas.
Naniniwala ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated at Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na dapat nang madaliin ang pag-aangkat ng sibuyas sa bansa lalo na ang white onions.
Iginiit ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, na hindi na dapat hinihintay pa na maubos ang suplay ng lokal na sibuyas dahil lalo lamang tataas ang presyo nito kung hindi pa gagawa ng hakbang ang pamahalaan.
Una nang inihayag ng Department of Agriculture, na kanila pang inaalam kung talaga bang may kakulangan sa suplay ng lokal na sibuyas dahil paiba-iba ang mga impormasyong kanilang natatanggap sa sitwasyon ng onion products.