Hindi maaaring ipasa ng Manila Water Company at Maynilad Water Services Incorporated sa kanilang mga customers ang ipinataw na multa ng Korte Suprema sa dalawang nabanggit na water concessionares.
Ito ang iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) matapos magbanta ang Manila Water ng posibilidad na sunod-sunod na taas singil sa tubig kung hindi babawiin ng Korte Suprema ang desisyon nito.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, hindi pinapayagan sa nilagdaang concession agreement ng dalawang water concessionaires ang pagpapasa ng ipinataw multa sa kanilang mga consumers.
Una nang sinabi ng Manila Water na posibleng umabot sa 78% katumbas ng 26 pesos at 70 centavos kada cubic meter ang taas sa kanilang singil kasunod ng desisyon ng Korte Suprema noong Agosto.
Kaugnay naman ito ng mahigit P900-M multa ng kataas-taasang hukuman sa dalawang water concessionaires dahil sa paglabag sa clean water act.