Pinag-aaralan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapababa ng multa sa mga motorsiklong hindi rehistrado ang kanilang mga top box at saddle bag.
Kasunod ito ng reklamo ng ilang mga nahuhuling motor-rider na pinagmumulta ng P5,000 dahil sa paggamit ng mga top box at saddle bags na walang rehistro, hindi customized o hindi pasado sa pamantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) at LTO.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz, III kaniya nang inatasan ang mga tauhan ng ahensya na suspindehin ang paninita at paghuhuli sa mga motoristang mayroong top boxes at saddle bags na hindi rehistrado o lumabag sa pamantayan na itinakda ng LTO.
Ayon kay Guadiz, bubusisiin ng kanilang tanggapan ang inilabas na memorandum noong March 2016 o ang “Guidelines on inspection and apprehension relative to motorcycle top boxes and saddle bags.”
Bukod pa dito, maglalabas din ang lto ng listahan ng mga dapat pagmultahin upang hindi mahirapan at maapektuhan ang kabuhayan ng mga motorista.