Posibleng tumaas na rin ang multang ipinapataw sa mga paglabag sa batas trapiko simula sa susunod na taon.
Ito ang pinag-aaralan ng MMDA sa pagsusulong nila ng Single-Ticketing System upang maging pare-pareho ang multang pinapataw ng mga Local Government Unit.
Kabilang ito sa pinag-usapan mga MMDA, Land Transportation Office at LGU kahapon at planong ipatupad sa simula Enero ng susunod na taon.
Sa sandaling maipatupad, ang hindi pagsusuot ng helmet sa motorsiklo ay papatawan ng multang P1,500.00 at hindi otorisadong helmet ay magiging P3,000.00.
Magkakaroon din ng multa sa mga backrider, lalo kapag nakatsinelas, sandals o nakapaa lamang, P500.00 sa unang offense; P700.00 sa ikalawang offense at P1,000.00 sa ikatlong paglabag at kukumpiskahin na ang lisensiya.
Ang loading at unloading sa hindi otorisadong lugar ay magiging P1,000.00 na ang multa mula sa dating P500.00 lamang.
Ang mga kaskasero o overspeeding, pagmumultahin naman ng P1,000.00 habang ang nag-counterflow ay P2,000.00 kung walang nadisgrasya at P5,000.00 kung may nahagip o nasirang ari-arian at paglabag sa Number Coding at mga traffic sign ay P500.00.
Sa kabila nito, tiniyak ng LTO na mapapadali na ang pagbabayad ng multa dahil papayagan na ang digital payment o sa mga Bayad Center.