Inihirit ng grupong Laban Konsyumer Incorporated na i-refund na lamang sa mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) ang P19-M na multa na ipinataw sa kanila ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ito’y kasunod na rin ng naging kautusan ni ERC Chairperson Agnes Devenadera na pagmultahin ang Meralco dahil sa kabiguan nito na magsagawa ng meter reading nitong quarantine period na siyang nagresulta naman sa tinatawag na “shock billing”.
Ayon kay Laban Konsyumer Convenor Atty. Victorio Dimagiba, mas mapakikinabangan ng publiko kung mag-refund na lamang ang Meralco sa mga customer nito na apektado ng pandemya.
Giit pa ni Dimagiba, hindi dapat mapunta sa ERC ang multang dapat ibayad ng Meralco dahil may pagkukulang ito kaya’t nagkaroon ng kalituhan hinggil sa pagpapatupad ng estimated billing.
Dagdag pa ni Dimagiba, nailahad na nila ang problema hinggil sa shock billing ng Meralco sa mga pagdinig ng senado gayundin ng Kamara at ang panghuli ay sa mismong ERC.