Binatikos ng mga militanteng grupo ang inilaang 15.5 billion pesos na pondo ng administrasyong Duterte para sa pagho-host ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit sa bansa sa susunod na linggo.
Ayon sa grupong Kadamay at BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan, malinaw na pag-aaksaya lamang ng pera ng mga tax payers ang multi-bilyong pisong budget para sa ASEAN.
Giit ng dalawang militanteng grupo, ang nasabing pondo sana ay maaari nang magamit para sa mga serbisyo at tulong na kinakailangan ng mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Malinaw rin anila na insensitive at hindi praktikal ang pamahalaan sa paglalaan ng malaking budget para lamang magpasikat kay US President Donald Trump.
Ayon pa kay Kadamay Spokesman Jimlin Penolio, nakagagalit aniya ang labis-labis na paggasta ng pamahalaan para asean summit na hindi naman pakikinabangan ng mga mahihirap.
—-