Tinawag na walang kuwenta ni Dating Pangulong Noynoy Aquino ang isinampang multiple homicide complaint laban sa kanya at dalawang dating opisyal ng Philippine National Police kaugnay sa pagkamatay ng 44 na Commando ng PNP Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa ipinalabas na statement ng Dating Pangulo, sinabi nitong isa lamang itong uri ng harassment.
Nagpapapansin lamang umano si Attorney Ferdinand Topacio at ginagamit ang isyu ng Mamasapano Incident.
Binigyang-diin ni Dating Pangulong Aquino na ang pagkamatay ng SAF 44 ay isang trahedya, at kung sinunod lamang ni dating SAF Director Getulio Napeñas ang kanyang instructions ay hindi sana nangyari ang madugong insidente sa Mamasapano, Maguindanao..
Binigyang-diin ng dating Presidente na marami ng hirap at pasakit ang dinanas ng pamilya ng SAF 44 at kung gagamitin pa sila ng mga instigador ay mas lalong magdurusa ang mga ito.
Sinabi ni dating Pangulong Aquino na inatasan na niya ang kanyang mga abugado para pag-aralan ang posibleng pagsasampa ng aksiyon laban sa mga instigador o nang-uudyok na magsampa ng walang basehang kaso laban sa kanya.
By: Avee Devierte