Hindi nakaligtas ang mga multo sa Malacañang sa pagbibida ni Pangulong Rodrigo Duterte nang humarap sa mga Overseas Filipino Workers sa Hongkong.
Sa kanyang pagsasalita sa Filipino Community sa Hongkong, sinabi ng Pangulo na bastos ang mga multo sa Palasyo dahil walang pinipiling oras kung magpakita ang mga ito.
Kahit aniya tanghaling tapat ay nagpapakita ang nga “mumu”sa Malacañang, partikular si Mr. Brown.
Si Mr. Brown ay isang Amerikanong opisyal na matagal namalagi sa Malacañang noong panahon ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo na maliit lamang ang opisina nito sa Malacañang at hindi siya nagtatagal sa kanyang kuwarto maliban kapag pumipirma ng mga dokumento.
Bukod sa multo sa Palasyo, ikinuwento rin ng Pangulo ang mga malilikot na dagang nagtatakbuhan sa kisame ng palasyo na aniya ay “alaga” ng Presidential Security Group dahil nasa likod lamang ng palasyo ang kanilang barracks.
By: Aileen Taliping