Muling binuhay ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang kaniyang mungkahing buwagin na ang Court of Appeals.
Sa ginanap na conference on judicial institution building and reforms sinabi ni Alvarez na layon ng panukalang ito na gawing mas simple o mapadali ang proseso ng mga kasong idinudulog sa korte.
Giit ni Alvarez na ang dapat palakasin ay ang Municipal Trial Court at Regional Trial Court.
Dapat rin aniyang damihan ang mga husgado batay sa bilang ng kanilang populasyon upang huwag nang iakyat pa sa Court of Appeals at Supreme Court ang kanilang mga kasong hinahawakan.
Binigyang punto pa ni Alvarez na dahil sa haba ng proseso ng hustisya sa bansa minsan ay namatay na ang nagreklamo ngunit hindi pa rin nito nakuha ang hustisyang kaniyang ipinaglalaban.