Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development na nananatiling bukas ang kagawaran sa iminumungkahi ng Department of Agriculture na gawin na lamang bigas ang animnaraang monthly rice subsidy para sa mga 4Ps beneficiaries.
Ayon kay DSWD Rex Gatchalian, inirekomenda na rin ng NEDA o National Economic and Development Authority na magsagawa muna ng cost analysis upang matiyak na kaparehong halaga ng bigas ang matatanggap ng mga benepisyaryo.
Bukod aniya sa pagnanais ng kagawaran na matulungan din ang mga magsasaka, kanila ring ikinukunsidera na hindi dapat mahirapan sa pagpapaabot ng tulong sa mga benepisyaryong nasa liblib na bahagi ng bansa.
Binigyang-diin ni Secretary Gatchalian na hindi ipinagwawalang-bahala ng kagawaran ang suhestyon, ngunit pinag-aaralan nila ang posibleng pinakamainam na paraan upang matulungan ang kapwa mga magsasaka at 4Ps beneficiaries. – sa panunulat ni Laica Cuevas