Idinepensa ni Assistant Secretary Epimaco Densing ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mungkahi niyang isailalim sa state of calamity ang Boracay Island.
Ayon kay Densing sa pamamagitan nito ay mas mabilis na maisasagawa ang rehabilitasyon ng Boracay Island.
Ang state of calamity aniya ay tatagal lamang ng anim na buwan bago ilatag ang isang pang matagalang solusyon upang hindi na maulit ang pagkasira ng Boracay Island.
“Nag-suggest kami na magtayo na ng Boracay Island Development Authority for sustainable development, in other words ang pag-manage ng island as a tourist destination kailangang national government na ang mag-takeover kasi talagang wala tayong maaasahan sa mga lokal na opisyales.” Pahayag ni Densing
Matatandaang puspusan na ang paglilinis na ginagawa ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa isla ng Boracay at mismong si DENR Secretary Roy Cimatu ang sumusuyod sa mga hotel at iba pang business establishments sa Boracay na posibleng lumalabag sa Clean Water Act.
Natuklasan din ng DENR napakarami nang establisimiyento ang nakatayo sa mga deklaradong forest at wet lands, na dahilan kaya’t binabaha na rin pati ang Boracay.
Umabot na sa dalawandaang (200) establisimiyento na nakatirik sa forest at wet lands ang nabigyan na ng show cause order.
(Balitang Todong Lakas Interview)